Umabot umano sa ₱1 bilyon na cash na nakapaloob sa mahigit 20 maleta at isinakay sa anim hanggang pitong van ang dinala sa penthouse ni Ako Bicol Representative Elizaldy “Zaldy” Co sa Shangri-La Hotel sa Taguig ayon sa dalawang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee ngayong Martes inihayag ni dating Bulacan Engineer Brice Hernandez na siya mismo ang naghatid ng pera sa isang aide ni Co na nagngangalang Paul.
Bagama’t hindi umano niya personal na nakausap si Co, sinabi ni Hernandez na nakita niya ang kongresista habang nakikipag-usap ito kay dating Bulacan district engineer Henry Alcantara sa hotel.
Sinabi din nito na bawat maleta ay naglalaman ng humigit-kumulang ₱50 milyon.
Kinumpirma rin ni dating assistant engineer Jaypee Mendoza ang paghahatid ng pera.
Bukod sa Shangri-La penthouse, sinabi din Mendoza na may mga pagkakataong sa bahay ni Co sa Valle Verde, Pasig City nila dinadala ang pera.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, inamin ni Alcantara na personal din siyang nag-deliver ng pera kay Co.
Aniya, 20% ang kinukuha ni Co mula sa bawat proyekto noong 2022, ngunit tumaas ito sa 25 porsiyento mula 2023 hanggang 2025.
Mula 2022 hanggang 2025, umabot umano sa 426 na proyekto ang nailaan kay Co na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱35 bilyon.
Ayon kay Alcantara, ang bahagi ni Co ay nanggaling sa advance payment ng mga contractor.
Si Co ay kabilang sa mga mambabatas na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects na tinututukan ngayon ng Senado, Kamara, at ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure.











