--Ads--

Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa ng kapulisan sa Nueva Vizcaya na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang lalaki at pagkakasamsam ng tinatayang ₱2,120,000 halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang anti-criminality checkpoint sa Barangay Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya noong Oktubre 25, 2025.

Ang suspek ay itinago sa alyas na “Ru,” 38 taong gulang, binata, drayber, at residente ng Manlapig, Capas, Tarlac.

Ayon sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC) katuwang ang Diadi Police Station at Provincial Intelligence Unit (PIU) sa kahabaan ng national highway ng nasabing barangay nang kanilang pahintuin ang isang Mitsubishi L300 FB Close Van para sa visual inspection.

Habang isinasagawa ang inspeksyon, napansin ng mga pulis ang isang bahagyang bukas na kahon na naglalaman ng mga sigarilyong may tatak na “Bon International,” isang hindi kilalang brand na walang graphic health warning at excise tax stamp. Nang hingan ng kaukulang dokumento, nabigo ang drayber na magpakita ng anumang patunay ng legal na pagmamay-ari o pagbabayad ng buwis.

--Ads--

Dahil dito, agad siyang inaresto ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa Section 263 ng Republic Act 8424 (Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax without Payment of Tax) at Republic Act 10643 (Graphic Health Warnings Law).

Nasamsam sa operasyon ang 53 kahon ng Bon International cigarettes (50 ream bawat kahon) at ang nasabing Mitsubishi L300 van na ginamit sa transportasyon ng kontrabando.

Isinagawa ang imbentaryo sa lugar ng insidente sa presensya ng suspek at mga opisyal ng Barangay Nagsabaran, alinsunod sa itinakdang mga pamantayan ng batas.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at mga nakumpiskang sigarilyo para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.