--Ads--

Umabot sa ₱2.2 bilyon ang kabuuang halaga ng production loss sa Region 2 dahil sa epekto ng Bagyong Uwan  batay sa tala ng Department of Agriculture–Region 2 as of Nobyembre 24, 2025.  

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Technical Director for Research and Regulations Kay Olivas ng DA Region 2, sinabi niya na umabot sa 46,392 na magsasaka sa buong Lambak ng Cagayan ang naapektuhan.

Aniya, ang pinaka-apektadong pananim sa buong rehiyon ay ang mga high-value fruit crops.

Sa Nueva Vizcaya, umabot sa ₱19.2 milyon ang nasirang fruit crops, ₱27.3 milyon  ang upland vegetables, ₱26.9 milyon ang lowland vegetables kabilang ang pang-pinakbet, at ₱14.5 milyon ang spices.

--Ads--

Sa Quirino Province naman, tinatayang ₱354.3 milyon ang pinsala sa fruit trees.

Ang pinsala sa rice at corn crops sa buong rehiyon ay umabot sa ₱288.88 milyon, kung saan Isabela ang pinaka-nasalanta.

Dagdag pa ni Olivas, magbibigay ang  DA ng binhi at pondo upang makatulong sa pagbangon ng mga apektadong magsasaka. Nakatakdang isagawa ang ceremonial distribution ng vegetable at onion seeds na nagkakahalaga ng ₱13.8 milyon sa Nueva Vizcaya sa darating na Disyembre 5.

Samantala, batay sa monitoring ng ahensya, bahagya lamang ang pagtaas ng presyo ng gulay tulad ng pechay na nananatiling ₱80–₱100 kada kilo, cabbage na ₱80 kada kilo, lettuce na tumaas mula ₱200-300 kada kilo, sibuyas na umakyat mula ₱150 tungong ₱300 kada kilo, talong na mula ₱100 ay naging ₱200 kada kilo, habang ang kamatis ay nananatili sa ₱120 kada kilo.

Aniya ni Olivas, posible pang tumaas ang presyo ng mga gulay pagdating ng Disyembre dahil karamihan ng suplay ay magmumula sa NVAT at Baguio City.

Gayunman, tiniyak ng opisyal na hindi magkukulang ang suplay dahil may mga alternatibong mapagkukunan at nananatiling matatag ang mga magsasaka sa rehiyon.