Itinaas na sa ₱20 milyon ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na may kinahaharap na mga warrant of arrest kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na dinoble ang dating ₱10 milyong pabuya upang mapabilis ang paghuli kay Ang.
Nahaharap si Ang at ilan pang indibidwal sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping at serious illegal detention na may kaugnayan sa imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero.
Nauna nang hiniling ng mga awtoridad ng Pilipinas ang paglalabas ng Interpol red notice laban kay Ang. Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga law enforcement agency sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na hakbang. Nasa pagpapasya ng bawat bansang kasapi kung ipatutupad ang pag-aresto batay sa kanilang sariling batas.
Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kanya. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal, “premature” at “legally questionable” umano ang inilabas na warrant of arrest ng korte sa Laguna dahil hindi raw nito lubusang isinasaalang-alang ang mga counter-affidavit at ebidensyang pabor sa kanyang kliyente.
Iginiit din ng abogado na umasa lamang umano ang korte sa impormasyong inihain ng Department of Justice (DOJ) sa pagtukoy ng probable cause nang hindi pa nakikita ang panig ng mga respondent, kabilang si Ang.









