Opisyal nang sisimulan ang konstruksyon ng Phase 1 ng Corn Processing Complex na nagkakahalaga ng ₱224.75 milyon sa Lungsod ng Cauayan, Isabela matapos idaos ang groundbreaking ceremony para sa proyekto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, mahalagang hakbang ang proyekto upang mabawasan ang mataas na post-harvest losses sa produksyon ng mais na karaniwang dulot ng tradisyunal na sun-drying, lalo na tuwing tag-ulan.
Ipinaliwanag niya na idinisenyo ang pasilidad upang tugunan ang kakulangan sa makabago at climate-resilient na storage at processing facilities, na inaasahang magpapataas sa kalidad ng ani at halaga nito sa merkado.
Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan ng Department of Agriculture, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng Villa Luna Multi-Purpose Cooperative (MPC), na siyang mangangasiwa sa operasyon ng corn processing complex.
Sakop ng proyekto ang humigit-kumulang 1,125 ektaryang lupang pansakahan sa bawat cropping season at inaasahang makikinabang ang 796 na magsasaka na kasapi ng kooperatiba. Layunin din ng pasilidad na matiyak ang tuloy-tuloy at ligtas na suplay ng mais na ilalabas sa pamilihan.
Pamamahalaan ng Villa Luna MPC ang pasilidad, kabilang ang pagbibigay ng mechanical drying services at ang pagbebenta ng naprosesong mais sa mga institusyunal na mamimili sa loob at labas ng rehiyon.
Tinatayang may kakayahan ang corn processing complex na magproseso ng 8,640 metriko tonelada kada anihan o 17,280 metriko tonelada kada taon, na may storage capacity na 57,553 sako o 2,900 metriko tonelada, bukod pa sa karagdagang 1,000 metriko tonelada para sa grain storage.
Sa oras na maging ganap ang operasyon nito, inaasahang makatutulong ang pasilidad sa pagpapababa ng pagkalugi sa ani, pagpapahusay ng kalidad ng mais, at pagsiguro ng mas matatag na kita para sa mga magsasaka sa Cauayan at mga karatig na lugar.










