--Ads--

Timbog ang dalawang indibidwal matapos makumpiskahan ng daan-daang reams ng hinihinalang pekeng sigarilyo sa isang checkpoint operation sa Barangay Mangayang, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya noong Enero 10, 2026.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa mga alyas na “Tony” at “Jona.” Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC) sa pakikipag-ugnayan sa Dupax Del Sur Police Station.

Batay sa ulat, isinagawa ang pag-aresto habang nagsasagawa ng spot checkpoint operation ang mga awtoridad at pinara ang isang kulay abong Toyota Hilux na minamaneho ni alias Tony. Sa isinagawang inspeksyon sa sasakyan, nadiskubre sa likurang bahagi ang ilang kahon na naglalaman ng hinihinalang counterfeit cigarettes.

Nabigo ang mga suspek na magpakita ng anumang legal na dokumento na magpapatunay ng kanilang awtoridad o pagmamay-ari sa mga nasabing produkto.

--Ads--

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang:

  • Dalawang malalaking kahon na naglalaman ng tig-50 reams ng Two Moon cigarettes
  • Anim na kahon na may tig-50 reams ng Modern cigarettes (Lights)
  • Limang kahon na may tig-50 reams ng Modern cigarettes (Red)
  • Isang kahon na may 50 reams ng Modern cigarettes (Green)
  • Isang kahon na may 49 reams ng Modern cigarettes (Red)
  • 31 reams ng Modern cigarettes (Green)
  • Siyam na pakete ng Modern cigarettes (Red)

Sa kabuuan, 780 reams at siyam na pakete ng hinihinalang pekeng sigarilyo ang nasamsam, na may tinatayang halagang ₱312,760.

Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang produkto sa mismong lugar ng insidente sa presensya ng mga suspek at isang opisyal ng barangay. Ipinaalam din sa mga suspek ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago sila dinala sa Dupax Del Sur Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang aksyon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 263 ng Republic Act No. 8293, o ang Intellectual Property Code of the Philippines, kaugnay ng pagbebenta at transportasyon ng pekeng produkto.