Nasabat ang tinatayang ₱465,000 halaga ng iligal na sigarilyo sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Barangay San Fermin, Cauayan City, nitong Marso 25.
Ayon sa ulat, bandang alas-3 ng hapon ay nakatanggap ang Cauayan City Police Station ng tip mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y shipment ng smuggled cigarettes na ikinakarga sa isang cargo bus.
Agad namang naglunsad ng operasyon ang mga awtoridad kasama ang BIR-RDO 15, Police Intelligence Unit ng Isabela, at Regional Maritime Unit 2.
Sa isinagawang inventory sa mismong lugar, nakumpiska ang:
7 kahon ng MD Chairman Light (3,500 packs)
8 kahon ng Modern cigarettes (4,000 packs)
1 kahon ng Cannon Menthol (250 packs)
Ang kabuuang halaga ng nasabat na sigarilyo ay tinatayang ₱465,000.
Ayon sa Pulisya, wala pang nahuhuling suspek na konektado sa pagkakakumpiska. Patuloy ang tracing ng mga awtoridad upang matukoy kung saan nagmula ang iligal na shipment, sino ang nagpadala, at saan ito patungo matapos masamsam ang nga kargamento sa bus station sa lungsod.
Pinapaalalahanan naman ng pulisya at BIR ang publiko na ang pagbili at pagbebenta ng iligal na sigarilyo ay labag sa batas at maaaring makasama sa ekonomiya ng bansa.











