
CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi habang apat ang nasugatan matapos na makuryente ang limang magkakamag-anak sa Sinamar Norte, San Mateo, Isabela nang sumagi ang kanilang ipinapatayong poste sa live wire.
Ang nasawi ay si Orlando Manuel, 62 anyos habang nagtamo ng lapnos sa katawan ng kanyang anak na si Judith Manuel 47 anyos, anak ni Judith na si Adrian Jude Manuel, kamag-anak nila na sina Rodel Costales at Rolando Natividad.
Unang dinala ang mga biktima sa Integrated Community Hospital sa bayan ng San Mateo upang malapatan ng paunang lunas bago inilipat sa ibang ospital.
Ang labi naman ni Orlando Manuel ay dinala sa isang punerarya.
Ayon sa mga kamag-anak ng mga biktima, may ipinapatayo silang poste na ipapalit sa nasirang poste ng kuryente nang ito ay sumabit sa live wire at sumagi ang poste sa basang semento na kinaroroonan naman ni Orlando na naging dahilan ng kanyang pagkakuryente.
Sa pagnanais ng apat na biktima na tulungan si Orlando ay nadamay din sila sa pagkakuryente dahil basa ang semento.
Hindi pa matukoy ng mga kamag-anak ng mga biktima kung paano nakoryente si Judith Manuel na nakatayo malapit sa lugar.










