CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi, 29 ang nasugatan matapos na mawalan ng preno at dumiretso sa bangin ang isang pampasaherong jeep sa barangay Gregorio Pimentel, Diffun, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt Richard Anghel, deputy chief of police for Operation ng Diffun Police Station, sinabi niya na lumabas sa kanilang imbestigasyon na posibleng nawalan ng preno ang pampasaherong jeepney sa pakurbada at matarik na bahagi ng daan na naging sanhi ng pagkahulog sa bangin na may lalim na 20 hanggang 30 meters.
Aniya, ang pampasaherong jeep ay may sakay na 40 hanggang 42 na pasahero at karamihan ay mga estudyante na menor de edad.
Sa ngayon ay desidido ang pamilya ng nasawing estudyante na magsampa ng kaso laban sa tsuper ng jeep.
Samantala, Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Hansel Guillermo, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Diffun, Quirino sinabi niya na kinabahan ang mga pasahero nang mawalan ng preno ang jeepney kaya ilan sa mga ito ang tumalon palabas ng jeep habang ang ilan ay kasamang nahulog sa bangin.
Dalawampu’t siyam ang na-admit sa Quirino Province Medical Center kabilang ang nasawing menor de edad habang tatlo ang idinala sa isang ospital sa Santiago City.
Sinabi ni Ginoong Guillermo na overloaded ang jeep dahil sa kakulangan ng transportasyon sa naturang lugar at dahil weekend ay nag-uwian ang mga estudiyante sa kanilang mga bahay.