CAUAYAN CITY – Susi umano ang Farm Mechanization program ng Kagawaran ng pagsasaka o DA sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund o RCEF na ipinapatupad ng Philippine Center for Post-Harvest Development and Mechanization upang mahikayat ang mga kabataan o millennials na pumasok sa mundo ng pagsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Philmech Director Baldwin Jallorina, sinabi niya na inaasahang makakatulong ang programang ito upang mabawasan ang production cost, mapababa ang post harvest losses, mapabilis ang trabaho ng mga magsasaka at makapagsabayan ang Pilipinas sa mga bansa na rice producer katulad ng Thailand at Vietnam.
Magiging tulay ang programa upang mahikayat ang mga kabataan o millennials na bumalik at tumulong sa bukid sapagkat may mga makinarya na magiging kaagapay sa produksyon ng magandang kalidad ng bigas para sa bansa.
Bagamat hindi nakadalo sa ceremonial distribution si Kalihim William Dar ng DA ay pinasalamatan ni Governor Rodito Albano ang kalihim sa mga ibinibigay na suporta.
Ayon kay Gov. Albano malaking tulong ang mga ibinibigay na makinarya ng PhilMech sa mga magsasaka sa lalawigan.
Modernisasyon sa Agrikultura umano ang magiging panlaban sa climate change.
Dagdag pa ni Gov. Albano na kung hindi magiging moderno ang pagsasaka ay mahuhuli umano ang bansa pagdating sa Agrikultura.
Inihayag din ng Gov. Albano na aasahan ng mga magsasaka ang tulong ng Pamahalaang Panlalawigan pagdating sa monitoring at pagpapaayos ng mga maitatalang sira sa mga makinarya upang mapakinabangan ng mga magsasaka.
Una na nang nagbigay ang Philmech sa mga piling asosasyon at kooperatiba sa lalawigan ng mga makinarya para sa 2nd batch ng 2019 at unang batch ng taong 2020 sa ilalim ng RCEF at mahigit tatlong daang milyong piso ang inilaan para sa mga makinarya.