Nananatiling bukas ang isang gate sa Magat Dam na may 2 meters total opening at nasa 411.00cms ang spillway discharge.
Ang kasalukuyang lebel ng tubig sa Dam ay 190.59 masl, na mas mababa sa 191.62 metrong naitala noong Linggo.
Nanatiling mataas ang inflow na umaabot sa 436.95 cms.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr Edwin Viernes – Flood Forecasting and Instrumentation Section Head ng NIA MARIIS, sinabi niya na bagamat bahagyang gumanda ang panahon at humupa ang pag-ulan sa water reservoir ay plano nilang mapababa ang water elevation hanggang 190 o 189 bago sila magbawas ng gate opening o tuluyang magsara ng gate.
Batay sa Forecast ng PAGASA may mga pag-ulan o light rains na aasahan sa mga susunod na Linggo kaya naman nanatiling nakahanda ang NIA-MARIIS.
Paki-usap pa rin ng NIA-MARIIS sa publiko lalo na sa mga nasa tabing ilog na sakop ng Magat River na maging alerto, dalhin sa ligtas o mataas na lugar ang mga alagang hayop at iwasan muna ang pagtungo sa ilog para makaiwas sa hindi inaasahang pangyayari o aksidente.