Inaasahang darating sa bansa ang isang milyong bariles ng langis sa mga susunod na linggo, na magpapalawig sa suplay ng petrolyo hanggang ikalawang linggo ng Mayo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, nakakontrata na ang Pilipinas ng 400,000 bariles mula sa isang bansang nasa Timog-Silangang Asya. Kasalukuyan namang tinatapos ngayong linggo ang negosasyon para sa karagdagang 600,000 bariles mula sa labas ng rehiyon.
Pinangungunahan ng state-run Philippine National Oil Co. (PNOC) ang negosasyon, at gagamitin ang paparating na suplay upang palakasin ang buffer stock ng bansa.
Pinahintulutan ng DOE ang mga fuel companies na bumili mula sa PNOC kung sakaling maubos ang kanilang imbentaryo. Ayon kay Garin, gagastos ang pamahalaan ng ₱10 bilyon para sa isang milyong bariles na tatagal ng humigit-kumulang limang araw.
Kasabay nito, nakikipagtulungan ang DOE at PNOC sa Department of Foreign Affairs at Department of Trade and Industry upang makipag-ugnayan sa mga bansang nagpo-produce ng langis sa pamamagitan ng diplomatic channels, para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay lampas sa ikalawang linggo ng Mayo.
Nanindigan naman si Garin na nananatiling nasa “comfortable level” ang kasalukuyang imbentaryo ng langis ng bansa.











