--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinaluhan ng mga stakeholders ang pagpupulong na ginanap sa Balai sa Provincial Capitol ng Isabela para pag-usapan ang inilabas na Executive Order (EO) No. 15 na pagtatanim ng isang milyong punong kahoy sa Sierra Madre sa loob ng isang araw.

Ito ay bilang suporta sa inilabas ng DILG memorandum 2019-135 kaugnay ng pagdeklara kahapon, September 26 bilang Sierra Madre day.

Inilahad sa nasabing pagpupulong ang mga dapat gawin sa inilabas na EO 15 ni Governor Rodito Albano.

Ang mga itatanim na 1 million tree seedlings sa loob ng isang araw ay kukunin sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela at kung kukulangin ay magmumula sa donasyon ng iba’t ibang indibidwal, grupo o organisasyon.

--Ads--

Itatanim ang mga tree seedlings sa mga gilid ng Ilagan-Divilacan road project kung saan aabot sa 220 hectares ang maaring tamnan.

Sinabi ni Environment and Natural Resources Officer (ENRO) Geronimo Cabaccan na kukunin nila ang suporta ng mga Local Government Units (LGU’s) upang makamit ang puntiryang isang milyong itatanim na kahoy sa loob ng isang araw.

Kung ang tatamnan ay bahagi ng lansangan na nasa labas ng protected area ay maaring itanim ang mga flowering and ornamental species tulad ng golden shower, banaba, tulips o ang wide branching species o share trees tulad ng narra, acacia.

Tiniyak naman ni Punong Lalawigan Rodito Albano na poprotektahan nila ang mga naitanim na mga punong kahoy katuwang ang mga punong barangay at LGU’s.