CAUAYAN CITY – Nasawi ang pahinante ng isang close van, habang sugatan naman ang tsuper nito matapos bumangga kanilang sasakyan sa nakahintong garbage truck sa Quezon St., Brgy. District 1, Cauayan City.
Ayon sa mga nakakitang residente, mabilis ang patakbo ng close van nang bumangga ito sa nakahintong garbage truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonar Bayubay, pahinante ng garbage truck, sinabi niya nagulat na lamang ito nang biglang banggain ang likurang bahagi ng kanilang sasakyan.
Anya, muntikan na rin siyang madamay dahil malapit lang siya sa likuran ng kanilang garbage truck.
Nagulat din ang kanyang mga kasamahan dahil akala nila ay may sumabog at sa lakas ng impact ay nahulog pa ang mga ito mula sa taas ng garbage truck.
Ayon kay Bayubay, bagamat madaling araw nangyari ang aksidente ay maliwanag naman umano ang kalsada kung saan sila nagparada at kumpleto rin sa ilaw ang kanilang sasakyan.
Dinala na sa Cauayan City Police Station ang garbage truck habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng pulisya.