--Ads--

Nasawi ang isang lalaki habang sugatan ang dalawang iba pa sa salpukan ng trailer truck at SUV sa Barangay Putlan, Carranglan, Nueva Ecija.

Kinilala ang tusper ng trailer truck na si Christopher Gutierrez, residente ng Magdalena, Cabatuan, Isabela habang ang driver naman ng SUV ay si David Hermosa, residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija habang lulan naman nito sina Albert Francisco Sr. at Marlito Bautista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMssgt. Vincent Castañeda, Imbestigador ng Caranglan Police Station, sinabi niya na bago ang insidente ay binabaybay ng trailer truck ang kahabaan nang National Highway na bahagi ng Barangay Putlan sa nabanggit na lugar.

Nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay nag-overtake ito sa sinusundang kolong-kolong at dahil sa sharp curve ang daan ay nabulaga na lamang ang tsuper ng truck nang makita nito na may kasalubong pala siyang SUV mula sa kabilang linya.

--Ads--

Sinubukan pa naman umano nitong mag-preno ngunit nagsalpukan pa rin ang dalawang sasakyan.

Nagtamo ng matinding injury ang mga lulan ng SUV na sanhi ng agarang pagkasawi ang tsuper nito habang patuloy naman na nagpapagaling sa pagamutan ang dalawang lulan ng SUV.

Nasa impluwesya naman umano ng nakalalasing na inumin ang tsuper ng truck nang maganap ang insidente.

Maituturing naman na accident prone area ang lugar dahil marami na umanong naaaksidente sa naturang daan na kinasasangkutan ng mga malalaking sasakyan.

Dahil sa tumaob ang trailer bed ng truck na humambalang sa daan ay nagdulot ito ng masikip na daloy ng trapiko sa lugar ngunit sa ngayon ay balik na sa normal ang daloy ng trapiko matapos ang ginawang clearing operations ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente.