CAUAYAN CITY- Isa ang kumpirmadong nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa banggaan ng tricycle at motorsiklo sa Barangay Old Centro 1, San, Mateo, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang motorsiklo ay minamaneho ni Vic Miemban, 30-anyos na mula sa Cordon, Isabela habang ang tricycle ay minamaneho ni Edison Badua,45-anyos na residente ng Barangay Dagupan, San Mateo, Isabela.
Ayon sa Pagsisiyasat ng PNP San Mateo lumalabas na binabagtas ng tricycle ang kalsada patungo sa Barangay Old Centro habang ang motorsiklo ay nasa kasalungat na bahagi ng kalsada.
Dahil sa salpukan ng dalawang sasakyan ay tumilapon at nagtamo ng sugat ang tsuper maging back rider ng motorsiklo gayundin ang pasahero ng tricycle na sina Sonny Jacinto, Maricel Badua at isang menor de edad na walong taong gulang.
Lumalabas na ang mga sakay ng single motorcycle ay galing sa isang birthday party o inuman sa Barangay Diamantina Bayan ng Cabatuan ng maganap ang aksidente.
Nagawa pang dalhin sa pagamutan ang mga nasugatang biktima subalit idineklarang dead on arrival si Vic Miemban na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo habang kinailangan namang ilipat sa ibang pagamutan si Sonny Jacinto para sa karagdagang atensyong medikal.











