--Ads--

Marami nang Pilipino sa Estados Unidos partikular sa Southern California ang nababalot ngayon ng pangamba dahil sa patuloy na isinasagawang immigration raids ng federal government.

Ito ay matapos maiulat ang pagkasawi ng isang indibidwal sa gitna ng operasyon. Kinilala ang biktima na si Jaime Alanis na nahulog mula sa ikatlong palapag ng isang gusali habang isinasa­gawa ng mga awtoridad ang immigration raid.

Ayon sa Department of Homeland Security (DHS) aabot sa 200 katao ang inaresto sa isinagawang operasyon dahil sa umano’y illegal na pananatili sa Estados Unidos.

Kasama rin sa mga nadakip ang 10 menor de edad, dahilan upang imbestigahan ang isang kompanya na pinaniniwalaang lumabag sa child labor laws ng Amerika.

--Ads--

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual inihayag nito na naglabas si California Governor Gavin Newsom ng pahayag ng pagkondena sa operasyon.

Nanawagan din siya na paalisin na sa estado ang Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Ayon pa kay Pascual, nakakabahala na maging ang ilang naturalized U.S. citizens ay nadadamay sa operasyon.

Isang halimbawa nito ay isang Filipina na naninirahan na sa San Francisco sa loob ng 50 taon ngunit na-deport matapos matuklasang may dati siyang criminal record.

Dahil dito, pinapayuhan ni Pascual ang mga kapwa Pilipino na manatiling kalmado at huwag matakot kung sila ay legal na naninirahan sa Amerika at walang nilalabag na batas.

Nagpahayag rin ng saloobin ang isang Filipina na kilalang immigrant advocate, at naglabas ng artikulo na pumupuna sa umano’y hindi makatarungang immigration raids na isinasagawa ng U.S. government.

Sa kabuuan, iniulat ng federal government na mahigit 300 katao ang nadakip sa nasabing operasyon.

Sa ngayon ang mga ito ay nasa detention facilities habang ang mga illegal immigrants na may kinakaharap na kaso ay nakatakdang i-deport sa El Salvador at Alcatraz.

Karamihan umano sa mga naaresto ay pawang mga kritiko ng Trump Administration at inaakusahan ng pagpapakalat ng hate speech at pagbibigay ng simpatiya sa mga grupong itinuturing na terorista partikular ang Hamas kaugnay ng Israel-Hamas conflict.

Samantala, iniutos naman ng isang U.S. judge ang pansamantalang pagbabawal sa racial profiling sa mga deportation operation.

Ipinatigil din ang pagbawalang makakuha ng abogado ang mga undocumented immigrants bilang tugon sa umano’y agresibong kampanya ng administrasyong Trump laban sa kanila.