--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang backrider ng motorsiklo habang sugatan ang tsuper nito matapos mahagip at magulungan ng bus ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa barangay San Jose, San Pablo, Isabela.

Ang nasawi ay si Pearl Judy Yasto, 20-anyos, estudyante, backrider ng motorsiklo at residente ng Cabagan, Isabela habang ang sugatan ay ang tsuper ng motorsiklo na si Jonel Sumigad, 19-anyos, binata, estudyante at residente ng Tuao, Cagayan.

Ang pinaghihinalaan naman ay si Walter de Jesus, 41-anyos, tsuper ng Victory Liner, may-asawa at residente ng Diadi, Nueva Vizcaya.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Senior Inspector Jojo Turingan, hepe ng San Pablo Police Station, parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan patungong timog na direksyon nang mag-over take ang bus sa nabanggit na motorsiklo.

Nabigla ang tsuper ng bus sa kasalubong na sasakyan kaya agad siyang bumalik sa kanyang linya ngunit nahagip nito ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.

Natumba ang motorsiklo at nagulungan ng bus si Yasto na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan habang nagtamo ng bali sa buto si Sumigad.