--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang isa rin ang nasugatan matapos na mabangga ng isang van ang isang bisikleta at isang motorsiklo sa daan sa Ramos East, San Isidro, Isabela..

Ang nasawi ay ang sakay ng bisikleta na si Romeo Austria, 59 anyos, magsasaka at residente ng Naggasican, Santiago City habang ang nasugatan ay ang lulan ng motorsiklo na si Jeremy Valdez, 22 anyos, binata at residente ng Namillangan, Alfonso Lista, Ifugao.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, batay sa salaysay ni Valdez, tatawid sana si Austria sa kabilang kalsada nang bigla siyang nabangga ng isang puting van na nasa kanyang likuran.

Nahagip din ng Vvn si Valdez na lulan ng kanyang motorsiklo na binabagtas naman ang kasalungat na linya ng daan.

--Ads--

Nang matapos ang insidente ay basta na lamang umalis ang van na patungong hilaga na direksyon.

Ayon sa mga tumugon na miyembro ng Rescue San Isidro, agad na nasawi si Austria habang nagtamo ng sugat at pinsala sa sasakyan si Valdez.

Sumuko naman ang tsuper ng van sa mga awtoridad.

Hustisya ang hiling ng mga kamag-anak ng nasawing magsasaka.