
CAUAYAN – Patuloy ang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station sa naganap na banggaan kagabi ng isang motorsiklo at delivery closed van sa national highway sa Alinam, Cauayan City.
Ito ay nagbunga ng pagkasawi ng tsuper ng motorsiklo habang nagtamo ng malubhang sugat ang kanyang angkas.
Ang nasawi ay si Santi Belen habang ang malubhang nasugatan ang angkas na si Marnel Collado, 37 anyos may asawa at kapwa residente ng Landingan, Nagtipunan, Quirino.
Ang tsuper naman ng Foton closed van ay si Leo Alvin Pagtulingan, 30 anyos, may asawa at residente ng La Torre North, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, ang dalawang sasakyan ay patungo sa hilagang direksyon ngunit bumangga ang motorsiklo sa delivery closed van nang lumiko sa kanang direksyon.
Nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos silang tumilapon at pumailalim sa delivery van.
Isinugod sa ospital ng mga kasapi ng Rescue 922 ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Belen.
Ang tsuper ng closed van ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpl. Silver Jones Galiza, investigator ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na patuloy ang kanilang pagsisiyasat sa naganap na aksidente.
Iginiit naman ng tsuper ng van na si Pagtulingan na nagbigay siya ng signal sa pagtungo sa kanang direksiyon ngunit bumangga pa rin ang motorsiklo na nasa shoulder lane ng daan.
Hinihintay pa nila na makausap ang nasugatan na si Collado para malaman kung ano ang tunay na nangyari.




