--Ads--

Isa ang nasawi, isa ang nasugatan sa ginawang pag-aamok at pananaga ng isang lasing na magsasaka sa isang lamayan sa Sitio Tamangan, Brgy. Balete, Kayapa, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Len Gomultim ang hepe ng Kayapa Police Station sinabi niya na naganap ang insidente sa mismong lamayan kung saan nasawi ang isa sa mga biktima na si Ariel na napuruhan sa ulo, habang sugatan naman si Mario, 32 anyos na mga magsasaka na tinamaan sa leeg.

Natukoy ang suspek na si Alberto, 44 anyos, magsasaka at residente rin ng nasabing lugar.

Batay sa pagsisiyasat ng Kayapa Police Station na nagtungo sa lamayan ang suspek para humingi ng kape.

--Ads--

Dahil hindi umano siya pinansin ay umalis siya para kunin ang kaniyang itak saka bumalik at pinagtataga ang mga tulog na biktima na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin sa mga oras na naganap ang insidente.

Sinubukan naman umanong umawat ng ilang mga residenteng nasa lamayan subalit agad umanong tumakbo at nagtago sa isang bahay ng suspek.

Ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng ganitong insidente ang Brgy. Balete dahil wala naman umanong anumang record ang suspek sa barangay.

Tinitingnang dahilan ng pananaga ang problema di umano sa pagiisip ng pinaghihinalaan na umanoy naninirahan sa gitna ng bundok at madalas na makaranas ng pagkatulala.

Nagpaalala ang Kayapa Police Station na kung may mga ganitong gathering ay agad na isecure o itago ang mga bladed at deadly weapon.

Kung may ganitong indibiduwal na may kakaibang ikinikilos ay marapat na maging maagap at alerto ang publiko para maiwasan na mabiktima o masaktan sa ganitong insidente.