--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang nakatakas ang dalawang suspek matapos mauwi sa palitan ng putok ang pagtugon ng mga pulis sa sumbong na motornapping dakong alas nuebe kagabi.

Hindi pa nakilala ang napatay na isa sa tatlong suspek sa pagnanakaw sa Honda TMX na may plakang 7087 QQ na pag-aari ni John Donato ng barangay Maligaya, Tumauini, Isabela na dumulog kagabi sa Tumauini Police Station.

Ang mga suspek ay naabutan ng mga pulis sa San Mateo, Tumauini, Isabela sakay ng isang Honda XRM at ang tinangay na Honda TMX.
Sa naganap na palitan ng putok ay namatay ang isa sa tatlong suspek na hindi pa nakilala ang pangalan habang nakatakas ang dalawang kasama na sakay ng Honda XRM.

Nabawi sa napatay na suspek ang isang Caliber 38 revolver na may tatlong bala, dalawang basyo at isang 1 heat sealed transparent sachet ng hinihinalang shabu, aluminum foil, dalawang lighter at ang tinangay na motorsiklo.

--Ads--