--Ads--

CAUAYAN CITY- Isa ang naitalang patay habang 4 ang sugatan sa naganap na banggaan ng tatlong sasakyan sa Brgy. Dibalio, Claveria, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isang traysikel ang bumaybay sa kahabaan ng Brgy. Dibalio kung saan sakay nito ang apat na mga pasahero na pawang mga residente ng nabanggit na Barangay.

Patungo ang traysikel sa Brgy. Centro, Claveria at habang bumabagtas sa kalsada, nakasalubong nila ang kotse na minamaneho ni alyas ‘Pedro’ na patungo naman sa Sta. Marcela, Apayao.

Nang makarating sa pinangyarihan ng banggaan partikular sa pakurbang bahagi ng kalsada, imbes na preno ay aksidente umanong naapakan ng drayber ng kotse ang accelerator dahilan para dumeretso sa kabilang linya at sumalpok sa traysikel.

--Ads--

Nadamay din na mabangga ang isa pang van na nasa likuran ng traysikel.

Nagtamo ng matinding sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga sakay ng traysikel habang wala namang nasugatan sa mga sakay ng kotse at van.

Dinala naman ng mga tumugong rescuers ang mga sugatang sakay ng traysikel subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang isa sa mga pasahero na si Juanita Hernandez, 66-anyos na residente ng Brgy. Dibalio sa bayan ng Claveria.

Nahaharap ngayon sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide, Multiple Physical Injury at Damage to Property ang driver ng kotse na nasa pangangalaga na ng Claveria Police Station.