CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) habang 20 ang nagpositibo sa COVID-19 sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JCInsp. Ericley Louise Lazaro, sinabi niya na bagamat pinaghandaan naman nila ang posibleng pagpasok ng COVID-19 sa piitan ay ikinalulungkot niya ang pagpanaw ng isang PDL dahil sa nasabing virus.
Naisugod pa sa ospital ang PDL na unang na-diagnose na may tuberculosis.
Ayon kay kay Jail Warden Lazaro, nabibigyan ng gamot at nasusuri ang mga PDL at hindi nila inaasahan na tatamaan sila ng COVID-19 dahil sa istrikto ang pagtugon nilasa 21 days quarantine bago ang pagpapalit ng mga magbabantay sa mga PDL.
Hindi pa malaman kung paano nakuha ng PDL ang sakit bagamat may hinala na maaring sa mga bagong naipasakamay na PDL nanggaling ang virus dahil sa pagpositibo ng iba pa nang magsagawa sila ng contact tracing.
Bilang hakbang ay pansamantala munang itinigil ang E-Dalaw, E-tawag at iba pang aktibidad sa loob ng piitan at nagpatupad sila ng lockdown sa mga selda.
Naka-isolate na ang mga aktibong kaso sa kanilang piitan upang maiwasan ang hawaan.
Ayon kay JCInsp Lazaro, sapat ang kanilang manpower habang araw-araw na ang disinfection activity na isinasagawa sa piitan.
Ngayon ay nasa 20 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa sa BJMP Santiago City, 21 na ang naitalang gumaling at isa ang nasawi habang apat ang BJMP personnel na tinamaan din ng virus.






