CAUAYAN CITY – Sumanib umano sa kanyang pinsan ang kaluluwa ni Rhea Mae Labog, ang isa sa 3 bata na nalunod noong Sabado de Gloria sa Cagayan River sa Duminit, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ariella Andres, Kinumpirma niya na sumanib ang kaluluwa ng namatay na pinsan na si Rhea Mae Labog matapos matagpuan ang bangkay sa ilog sa Alicaocao, Cauayan City.
Sinabi umano ng kaluluwa ni Rhea Mae na isang “sirena” ang tumangay sa kanila habang sila ay nasa mababaw na bahagi ng ilog.
Nanlaban pa umano ang kanyang pinsan subalit mas malakas ang sirena kaya’t nadala sila sa ilalim ng tubig.
Naghihinakit pa umano si Rhea Mae dahil walang tumulong sa kanila na magkakaibigan kahit may nakakita sa pangyayari.
Sinabi naman ni Mr. Rogelio Labog na sinikap niyang sagipin ang anak at 2 na kaibigan subalit sa kanyang paglusong sa tubig ay hindi na niya nakita ang mga bata.
Inilarawan naman ni Mrs. Jinky Labog ang kanyang anak na masipag mag-aral, relihiyosa at pangarap na maging guro.
Naniniwala ang mag-asawang Labog na sirena ang tumangay sa kanilang anak at 2 na kaibigan dahil sa nakitang kalmot sa dibdib at latay sa leeg na mistulang sinakal.
Samantala, inihayag ng mag-asawang Edgar at Edna Domingo na hirap pa rin nilang tanggapin ang pagkalunod ng anak na si Rachel.
Sinabi ni Mr. Domingo na pinagsabihan niya ang anak na huwag magtungo sa ilog noong Sabado de Gloria subalit hindi niya namalayan na sumama sa kanyang mga kaibigan.
Ayon kay naman kay Mrs. Domingo, nagparamdam kagabi sa panaginip si Rachel at inihayag na huwag pabayaan ang kanyang sarili at tanggapin na ang nangyari sa kanya.
Anila, madalas na banggitin ni Rachel kapag siya ay makatapos sa kanyang pag-aaral at maging guro ay maiaahon niya sa hirap ang kanyang pamilya.
Ang bangkay nina Rhea Mae Labog at Rachel Domingo ay ililibing sa darating na araw ng Sabado, April 22 habang sa Abril 26, 2017 ililibing ang bangkay ni Carla Mae Maramag.
Si Carla Mae ang number 1 nang magtapos ang mga biktima sa grade six ngayong Abril habang number 3 si Rachel Mae Labog.




