--Ads--

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang isa sa pitong biktima ng gumuhong Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DOH Undersecretary Glenn Matthew Baggao, sinabi niyang mula sa pitong nasugatan sa insidente, dalawa ang isinugod sa CVMC. Isa sa kanila ang nagtamo ng spinal injury at kasalukuyang naka-admit, habang ang isa pa na nagtamo lamang ng minor injury ay agad ding nakauwi matapos lapatan ng paunang lunas.

Ang pasyente ay isang 24-anyos na lalaki na tubong Aparri, Cagayan. Siya ay nadaganan ng debris mula sa gumuhong tulay na siyang naging sanhi ng kanyang pinsala.

Sa kasalukuyan, binabantayan at mino-monitor ng kanilang mga orthopedic doctors ang kondisyon ng pasyente na kinakailangang isailalim sa operasyon.

--Ads--

Samantala, inihayag ni Usec. Baggao na ang naturang pasyente, gayundin ang iba pang mga pasyenteng naka-admit sa CVMC na kabilang sa basic accommodation, ay sakop ng Zero Balance Billing ng DOH.

Ang Zero Balance Billing ay isa sa mga programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layuning maibsan ang pasanin ng mga mamamayan sa pagkuha ng mga serbisyong medikal.

Aniya, mahigpit ang monitoring ng DOH sa pagpapatupad ng naturang panuntunan, kung saan may mga itinalagang clusters para sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa isang DOH hospital, 10% ng bed capacity ay nakalaan para sa private patients, habang 90% ay para sa general wards. Gayunman, may ilang mga pagamutan na nagko-convert ng kanilang bed capacity patungo sa general ward upang matiyak na mas maraming pasyente ang makikinabang sa Zero Balance Billing.

Dahil din sa nasabing programa, dumarami ang mga pasyenteng nagtutungo sa mga DOH hospital dahil sa libreng serbisyong medikal. Tinitiyak din ng DOH na ang lahat ng pagamutan ay may sapat na gamot at pasilidad upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa katunayan, nito lamang sa katatapos na budget deliberation ay nadagdagan ang pondo para sa DOH.

Nag-iikot din si Usec. Baggao sa mga DOH hospitals sa Luzon Cluster upang matukoy ang mga kakulangan na kailangang tugunan, lalo na’t plano na ng Pangulo na magkaroon ng regionalized specialty centers sa bawat rehiyon ng bansa.

Sa ngayon, pinag-aaralan ng CVMC ang posibilidad ng pagpapatayo ng Regional Heart, Lung, and Kidney Center upang hindi na mahirapan ang mga pasyente sa hilagang bahagi ng bansa na magtungo pa sa Maynila para lamang makapagpagamot.

Bukod dito, marami rin silang isinusulong na programa, kabilang ang Purok Kalusugan, upang maabot ng DOH ang mga mamamayan sa malalayong lugar, bukod pa sa mga BUCAs Centers.

Matatandaan na layunin noon ni dating DOH Secretary Ted Herbosa na makapagtatag ng 28 BUCAs Centers para sa 28 milyong Pilipino. Sa kasalukuyan, umabot na sa 55 BUCAs Centers ang naitatatag ng DOH.