--Ads--

Nasugatan ang isang sundalo matapos sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Platoon Uno ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Clarence Patayan, Officer-in-Charge ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na nakatanggap sila ng ulat kaugnay sa presensya ng armadong grupo kaya nag-deploy sila ng mga sundalo sa lugar.

Habang nagsasagawa ng operasyon ang mga kasapi ng 77th Infantry Battalion, nakasagupa nila ang walo hanggang siyam na miyembro ng ICRC. Umabot ng tatlong minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkakasugat ng isang sundalo.

Agad namang naidala sa pagamutan ang sugatang sundalo na kasalukuyang nasa maayos na kalagayan. Nag-iwan naman ng bakas ng dugo ang mga nakasagupang miyembro ng ICRC.

--Ads--

Batay sa militar, malapit sa kabahayan ang engkuwentro kung saan dalawang kilometro lamang ang layo ng pinakamalapit na bahay mula sa encounter site.

Hinala ng militar na naging aktibo ang grupo ngayong holiday season upang makahingi ng tulong o suporta sa kanilang logistics o pagkain, na mabilis namang naagapan ng tropa ng pamahalaan.