--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang isang batang lalaki na 10-anyos matapos na masabugan ng boga ang kanyang mata sa Tagaran, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Daniel Acob, sinabi niya na nasa maayos nang kalagayan ang biktima ngunit patuloy pa ring inoobserbahan ang kanyang mata.

Nakatakda rin siyang sumailalim sa ilang serye ng medikasyon.

Ayon kay barangay Kagawad Acob, naglalaro ng boga ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan nang sinabihan siya ng isa niyang kasama na itutok sa kanyang mata ang boga.

--Ads--

Pagkatutok nito ng boga sa kanyang mata ay saka naman ito sinindihan na naging sanhi ng bahagyang pagkasunog ng kanyang mata.

Sinabi ni Barangay Kagawad Acob na sinagot ng pamilya ng nagsindi sa boga ang gastusin sa pagpapagamot ng biktima.

Sa ngayon ay dumaan na rin sa eye test ang bata at nakakabasa na rin ng maayos.