CAUAYAN CITY – Muling naglabas ng pahayag ang Reynaldo Pinion Command ng New People’s Army (RPC-NPA) kaugnay sa mga nakumpiskang baril mula sa mga dinis-armahan na limang pulis sa Sitio Laguis, Sindon Bayabo, Lunsod ng Ilagan.
Ayon sa pahayag ng RPC-NPA, nakuha mula sa 5 pulis na naharang sa tinake over na DENR/LGU checkpoint ang mga baril na kinabibilangan ng dalawang M14 Riffle, isang AK-47, isang Caliber 380, Caliber 22, 6 Glock 9mm at 5 Motorola Radio Transceiver.
Nakuha naman sa panig ng mga kasapi ng Isabela Environmental Task Force ang 4 na baril na kinabibilangan ng isang 9mm pistol, isang Caliber 22, dalawang Caliber 45 at 26 na iba’t ibang uri ng magazine at bala.
Una rito ay naglabas ng pahayag ang NPA-RPC para akuin ang pagtake-over sa DENR/LGU checkpoint at pagdis-arma sa 5 pulis at pagpatay sa environmental officer na si Celso Asuncion ng Task Force Kalikasan na nagbabantay sa mga kabundukan ng Sierra Madre na sakop ng Lunsod ng Ilagan.
Ayon sa RPC-NPA, pinarusahan umano nila si Asuncion sa pagiging tagatiktik ng militar na mariin namang pinabulaanan ni Army Maj. Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Maj. Tayaban na si Asuncion ay aktibong kasapi ng Task Force Kalikasan at mahigpit ang pagpapatupad ng anti-illegal logging sa Sierra Madre mountains kaya naapektuhan ang income generation ng mga NPA na nangingikil umano sa mga illegal loggers.