CAUAYAN CITY – Nakatakdang palayain ang 10 mangingisdang Vietnamese matapos na magbayad ng administrative penalty sa kasong poaching dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Calayan group of Islands sa Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Max Prudencio, Information Officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) region 2 na nagbayad ang mga mangingisdang Vietnamese ng Php 650,000.
Ito ay bukod sa pagpayag nila na ipapangalan na sa BFAR ang ginamit nilang
dalawang Vietnamese fishing vessel na nagkakahalaga ng halos 8 milyong piso.
Batay sa pag-aaral ng Adjudication Committee ng BFAR, panalo ang pamahalaan sa ibinayad ng mga Vietnamese na pera at dalawang fishing vessel sa kanilang paglabag sa Republic Act 10654 o The Philippine Fisheries Code of 1998.
Ayon kay Ginoong Prudencio, matapos na mahuli ang mga Vietnamese ay nag-alok sila ng multa bilang pag-amin sa kanilang illegal na ginawa.
Matapos na magbayad ang mga mangingisdang Vietnamese ay nakikipag-ugnayan na ang BFAR region 2 sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para makauwi na sila sa Vietnam.
Magugunitang namataan ang mga Vietnamese na illegal na nangingisda habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) noong madaling araw ng June 1, 2019 sa Dalupiri Island sa Calayan group of Islands.
Pinatay nila ang ilaw ng kanilang mga bangkang pangisda at pinutol nila ang naka-deploy na fishing gear at tinangkas tumakas ngunit nahabol sila ng mga tauhan ng BFAR at PCG.
Nakumpiska sa mga Vietnamese ang mga isdang yellowfin tuna, shark, blue marlin at dorado na may halagang Php 80,000.