CAUAYAN CITY – Nasugatan ang 10 na lulan ng isang van at isang kotse na nagbanggaan matapos na pumutok ang gulong ng kotse habang binabagtas kagabi ang national highway sa Bangar, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang Nissan Urvan na nabangga ng Honda Civic Sedan na pumutok ang gulong sa harapan ay minaneho ni Ferdinand Halligao, 36 anyos at residente ng San Geronimo, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Ferdinand Laudencia, hepe ng Solano Police Station na lulan ng van sina Rosal Domingo, manager ng St. Jerome Multi-Purpose Cooperative at mga kawani ng kooperatiba na sina Gina Marie Aban, Hilario Padaga, Lorna Bugayong, Minda Butac at Emiliana Gascon, pawang residente ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang kotse ay pag-aari ni Victor Ong Li at minaneho ni Gabriel Rillera, residente ng Alicia, Isabela at lulan sina Kristen Dane Antonio na residente rin ng Alicia at Julia Margaret Nolasco, residente ng Cabatuan, Isabela.
Papunta ang kotse sa direksiyon ng Kalakhang Maynila habang ang van ay papunta sa bayan ng Bagabag nang maganap ang banggaan.
Ayonkay PMaj. Laudencia, sinikap ng van na iwasan ang kotse ngunit nabangga pa rin ito dahil nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper na si Rillera.
Dinala sila sa ospital ng mga tumugon na ambulansiya ngunit nakalabas na ang karamihan sa mga nasugatan.
Naiwan sa ospital si Minda Butac na ooperahan sa kanyang paa gayundin din si Kristen Dane.














