Umabot na sa 100% ang compliance ng mga barangay sa lungsod ng Santiago sa pagsasagawa ng Barangay Assembly ngayong buwan ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Von Louie Cayaba, Local Government Operations Officer III ng DILG Santiago City, sinabi nito na lahat ng 37 barangay sa lungsod ay matagumpay na nakapagsagawa ng kanilang Barangay Assembly Meetings hanggang March 29.
Ayon kay Cayaba, isinasagawa ang barangay assembly dalawang beses kada taon tuwing Marso at Oktubre bilang bahagi ng mekanismo ng transparency at pananagutan sa pamahalaang lokal.
Sa naturang pagtitipon, inihaharap ng mga opisyal ng barangay ang kanilang accomplishments, financial status, mga ipinatupad na proyekto, at iba pang mahahalagang isyu sa kanilang nasasakupan.
Ipinunto rin ng opisyal na sa Santiago City, nakasanayan nang mag-ulat hindi lamang ang punong barangay kundi pati ang mga miyembro ng konseho at ang Sangguniang Kabataan chairperson, upang mas maging komprehensibo ang presentasyon ng mga programa at serbisyo.
Dagdag pa niya, sinusuri ng DILG ang mga ulat na ito upang matiyak kung epektibong naipatutupad ng mga barangay ang mga programang ibinababa ng pambansang pamahalaan at kung ito ay tunay na nakakarating at napapakinabangan ng mga mamamayan.
Samantala, binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng publiko sa barangay assembly upang matalakay at maresolba ang mga isyu sa komunidad sa pamamagitan ng maayos na diyalogo.
Home Local News
100% compliance naitala ng mga Barangay sa Santiago City sa pagsasagawa ng Barangay Assembly
--Ads--











