Bilang bahagi ng paghahanda sa Iglesia ni Cristo Peace Rally for Transparency, Accountability, and Justice na gaganapin sa Quirino Grandstand, Maynila mula Nobyembre 16 hanggang 18, 2025, nagtalaga ang Police Regional Office 2 (PRO 2) ng 1,000 pulis bilang dagdag na Civil Disturbance Management (CDM) contingent upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa nasabing aktibidad.
Sa isinagawang send-off ceremony, pinangunahan ni PRO 2 Regional Director PBGEN Antonio P. Marallag, Jr. ang pagpapadala ng mga valley cops patungong Maynila.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGEN Marallag, Jr. ang tatlong mahahalagang prinsipyo para sa ligtas at matagumpay na misyon ng CDM ang maglingkod nang may layunin, manguna nang may propesyonalismo,manindigan nang nagkakaisa.
Ipinaliwanag ng PRO 2 na ang CDM ay mahalagang tungkulin ng kapulisan, lalo na sa panahon ng malalaking pampublikong pagtitipon, kilos-protesta, at mga posibleng kaguluhan. Layunin nitong mapanatili ang kaayusan nang hindi lumalabag sa karapatang pantao.
Ang naturang 1,000 CDM contingent ay dagdag sa mahigit 16,000 pulis na nakatalaga upang magbigay ng seguridad hindi lamang para sa publiko kundi pati na rin sa mga tagapagpatupad ng batas sa nasabing peace rally.











