
CAUAYAN CITY – Pinagtibay ng Senado ang panukalang gawing 1,000-bed capacity mula sa dating 500-bed capacity ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na nakatanggap sila ng sulat mula kay Senador Imee Marcos tungkol sa pagdaragdag ng bed capacity ng ospital.
Ayon kay Dr. Baggao, sinimulang isulong ang panukalang pagdagdag ng bed capacity ng CVMC noong 3rd quarter ng 2019.
Ang hakbang ay dahil umabot na sa 200% ang bed occupancy rate o nadoble na ang bilang ng mga pasyente sa ospital kaya nagkukulang na ang mga kama at kuwarto maging ang mga personnel na nag-aasikaso sa mga pasyente.
Dahil dito, lumapit ang pamunuan ng CVMC kay Congressman Jojo Lara ng 3rd District ng Cagayan para mag-sponsor ng panukala na gawing 1,000-bed capacity ang CVMC.
Ito ay kanyang isinulong sa Kamara at nang umakyat sa Senado ay si Senador Imee Marcos ang nag-sponsor sa panukala na pinagtibay kahapon, July 28, 2020.
Natuwa ang mga kawani ng CVMC dahil bukod sa pagdaragdag ng kanilang bed capacity ay madadagdagan din ang mga health personnel ng ospital para sa mas mahusay na serbisyo ngayong nararanasan ang COVID-19 pandemic.




