--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa isandaan at dalawang kawani ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa Lunsod ng Tuguegarao ang tinamaan g COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya mula kagabi ay nasa isandaan at dalawang staff na ng ospital ang nagpositibo sa virus.

Tiniyak naman ni Dr. Baggao na hindi galing sa mga nagduduty sa Covid ward ang mga nagpositibo kundi sa ibat ibang opisina ng ospital.

Aniya ito dahil sa community transmission na nangyari sa mga komunidad ng mga staff at hindi galing mismo sa covid ward ng ospital.

--Ads--

Kasalukuyan nang naka-admit sila  sa kanilang covid ward at ang maganda  ay bakunado na ang mga ito kaya nasa mild lamang kanilang sintomas at walang nakswero o nakabitan ng oxygen.

Kahapon na araw sana ng relyebo ng mga staff na isang linggo nang nakaduty ay hindi itinuloy dahil nagpositibo ang tatlo sa mga ito  kaya nagpull out nalang sila ng ibang staff sa ibang ward upang patuloy ang pag asikaso sa mga pasyente.

Para matiyak na ligtas na makapagpatuloy sa kanilang trabaho ay regular nang sasailalim sa RT PCR Test ang mga staff kada dalawang linggo.

Ang mga papasok namang pasyente sa Emergency Room ay isasailalim na sa Rapid Antigen Test kasama na ang bantay nito.

Sinuspinde rin ng ospital ang ibang hindi emergency na ooperahan sa Operating Room upang mabigyang daan ang mga emergency cases tulad ng mga aksidente manganganak ng caesarean section.

Ginawa ring dalawamput apat na oras na bukas ang kanilang  telemedicine na maaaring tawagan para magpakonsulta.

Habang nananatiling ECQ ang Tuguegarao ay pananatilihin din ng CVMC na suspendido ang operasyon ng Outpatient Department dahil kakaunti lamang ang magpupunta dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon.

Tiniyak ni Dr. Baggao na kahit nagpositibo ang mahigit isandaang staff ng ospital ay patuloy ang operasyon at walang nagbago sa pag aasikaso nila sa mga pasyente at patuloy din ang kanilang pagha-hire ng mga contractual na empleyado na hahalili sa mga nagpositibong staff.

Pinaalalahanan ni Dr. Baggao ang publiko na huwag ipagwalang bahala ang mga panuntunan, maging malinis sa katawan at hinikayat na magpabakuna na kontra Covid 19.