--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa 105 na search and rescue personnel na ang nakadeploy at tinututukan ang natukoy na posibleng lokasyon ng nawawalang Cessna plane na may sakay na limang pasahero at isang piloto.

Inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Constante Foronda sa ginanap na press briefing ng Incident Management Team (IMT) na ang Mountain Search and Rescue Team ay binubuo ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce (PAF) Philippine Army (PA), ground rescue team ng Maconacon at Divilacan, Isabela; Bureau of Fire Protection (BFP) habang nakaantabay ang Water Search and Rescue (WASAR) ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Tumauini, Isabela,

Suliranin ngayon kung paano dadalhin sa bahagi ng Maconacon, Isabela ang naturang team dahil sa masamang panahon.

Prayoridad sa ngayon ng (IMT) ang Aerial Search and Rescue Operation na pinangungunahan ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force (PAF) dahil mas mabilis ito at kayang puntahan ang Maconacon, Isabela sa loob lamang ng 30 minuto.

--Ads--

Sakali aniya na imposibleng isagawa ang Air Rescue Operation oras na matukoy ang eksaktong lokasyon ng Cessna plane ay nakahanda silang magpadala ng ground search and rescue team.

Hindi pa ikinukonsidera ng Incident Management Team ang posibilidad na nahulog sa dagat ang eroplano hanggat hindi nasusuyod ang kabundukan at lahat ng mga natukoy na lokasiyon na posibleng dinaanan o kinaroroonan ng Cessna 206.

Samantala, inihayag ni Col. Sadiri Tabutol, commander ng TOG 2 r na sapat ang kagamitan ng Philippine Air Force at sa kasalukuyan ay hindi pa kailangan na humingi ng tulong mula sa US Air Force para sa ginagawa nilang search and rescue operation.

Aniya ang pinaka-layunin ng pagbuo ng Incident Management Team para pangunahan ang paghahanap sa nawawalang eroplano katuwang ang iba’t ibang ahensiya kabilang ang Philippine Air Force.

Nakaantabay din ang iba pang air support ng PAF kung kakailanganin at tanging problema ngayon ay masamang lagay ng panahon