--Ads--

CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Violence Against Women and their Children Act) ang isang construction worker matapos ibalibag sa kama ang kanyang anak dahil lamang sa basag na screen protector ng kanyang cellphone sa Santiago City.

Ang mahaharap sa kaso ay itinago sa pangalang Rey, 42 anyos at residente ng Batal, Santiago City.

Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, matutulog na sana ang biktima kasama ang kanyang mga kapatid ng biglang dumating ang kanilang ama at hinanap ang cellphone.

Dahil sa bahagyang nabasag ang screen protector ay nagalit ang ama na naging sanhi para bugbugin at pagsisipain sa ulo at mata ng kanyang 11 anyos na anak.

--Ads--

Hindi pa nakuntento ang ama , iniuntog ang ulo ng anak sa durabox, at tuluyang ibinalibag sa kama.

Nasaksihan ng Lola ng biktima ang pangyayari na agad inawat ang pinaghihinalaan at tumawag sa Presinto Uno ng Santiago City Police Office na agad tumugon at dinakip ang suspek.

Nagtamo ng galos at bali sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na dinala sa Southern Isabela Medical Center.