CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang 11 anyos na bata sa Balintocatoc, Santiago City matapos na mahulog mula sa isang puno ng Gmelina sa kanyang pagkuha ng gulay ng bagbangkong na ibebenta.
Ang biktima ay si Ruben Dela Cruz, mag-aaral at residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO), ilang grupo ng mga nagbibisikleta ang nakakita sa bata na nakasalampak at tila wala nang buhay kaya agad itong ipinabatid sa isang barangay tanod ng Balintocatoc na si Maximo Dela Cruz.
Ayon kay PSSgt. Jayson Pascua ng Presinto Dos, nagtungo sa lugar ang barangay tanod at nakipag-ugnayan sa Santiago City Rescue para makuha ang katawan ng bata.
Dinala sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang bata subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Aniya, nahirapan ang ilang sibilyan na kunin at saklolohan ang bata dahil sa kapal ng barbed wire na nakapaligid sa lugar.
Lumalabas na umakyat sa puno ng GMelina ang bata upang manguha ng gulay na kilala sa salitang iloko na bagbagkong at habang nangunguha ay maaring doon na siya nahulog kasabay ng pagbigay ng isang sanga ng punong kahoy.
Nasa walong metro ang taas ng nasabing punong kahoy kung saan nakuha ang bag ng bata na naglalaman ng nabanggit na klase ng gulay na pinaniniwalaang ititinda nito.
Nakuha rin sa lugar ang tsinelas ng bata at malaking sanga ng kahoy.
Maaring pagkabagok at tama sa leeg ang naging sanhi ng agarang kamatayan ng bata.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag pahintulutang lumabas nang walang gabay.





