
CAUAYAN CITY – Emosyonal na nagbigay ng pahayag ang isang ama mula sa Cumabao, Tumauini, Isabela kaugnay ng pagkamatay ng kanyang anak na umano’y tinanggihan ng Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital sa City of Ilagan.
Ang bata ay namatay habang dinadala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City noong gabi ng April 14, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ama ng 11 anyos na batang babae, sinabi niya na bago nila dinala ang kanyang anak sa ospital ay sumasakit ang ulo nito.
Dakong alas otso ng gabi noong Abril 14, 2020 ay nagpasya sila na isugod ang bata sa isang pribadong ospital sa kanilang bayan dahil hirap siya sa paghinga subalit nang makarating sila sa ospital ay may lumabas na dugo sa bibig ng bata.
Agad siyang binigyan ng paunang lunas ng mga medical staff ng pribadong ospital subalit kalaunan ay sinabi ng doktor na ilipat ang bata sa ibang ospital dahil sa kakulangan nila ng mga kagamitan.
Dinala nila ang bata dakong alas nuebe ng gabi sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital sakay ng isang ambulansiya ngunit nang mapag-alaman ng mga nurse at doktor na hirap ang bata sa paghinga ay sinabihan nila ang pamilya na wala silang espasyo sa Intensive Care Unit (ICU) at hindi rin sila tumatanggap ng pasyente na ang kalagayan ay katulad ng kanilang anak.
Pinalitan naman ang oxygen ng kanyang anak ngunit hindi sila binigyan ng pagkakataon na maibaba ang kanilang anak sa ambulansiya.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Health Officer Nelson Paguirigan, sinabi niya na malinaw sa kuha ng CCTV sa bahagi ng emergency room ng Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital na makikitang binigyan ng atensiyong medikal ang bata ng isang doktor at nurse ng ospital.
Bukod sa pag-asikaso sa pasyente ay kinausap din umano ng doktor ang nanay ng bata na dahil level 1 lamang ang panlalawigang pagamutan ay hindi sapat ang mga kagamitan para sa kondisyon ng bata na hirap sa paghinga.
Inamin ni Dr. Paguirigan na bagamat hindi pinahintulutang maibaba ang pasyente mula sa ambulansiya ay sinuri ng isang doktor at ipinaliwanag sa pamilya na hindi maipapasok sa ospital dahil bukod sa pag-iingat sa usapin ng COVID 19 ay kailangang na ma-intubate ang bata kaya kailangan ang mechanical ventilator.
Ito ang dahilan kaya nagpasya ang doktor at nurse na mailipat ang pasyente sa CVMC at sumang-ayon umano ang mga magulang ng bata.
Sinabi pa ni Dr. Paguirigan na batay sa pagsusuri ng doktor ay may Severe Accute Respiratory Infection (SARI) at ikinukunsiderang suspect case sa COVID 19.
Sinabi naman ng ama ng bata walang nakikitang dahilan para magkaroon ng COVID 19 ang anak dahil nasa loob lamang ng bahay bago isugod sa ospital.
Vc. Ama ng bata
Samantala, sinabi ni Dr.Glenn Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na kung nai-refer ng Govenor Faustino N. Dy Memorial Hospital sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) na suspect case ang bata at ini-refer naman ito sa kanila ng RESU ay sinundo sana ito ng ambulansiya ng CVMC kasama ang emergency management staff na may suot na personal protection equipment.
Ang ambulansiya ng CVMC ay may shield para hindi mahawaan ang driver.
Ayon kay Dr. Baggao, ang pasyente na suspect case ay ididiretso sa isolation room at hindi dadaan sa regular na emergency room para hindi ma-expose sa ibang tao.










