Nakapagtala na ng 11 kaso ng firecracker-related injuries ang Isabela Provincial Health Office (IPHO) ngayong Disyembre 2025.
9 mula sa 11 na biktima ay mga kalalakihan at karamihan sa mga ito ay mga menor de edad.
Ang mga ito ay nagtamo ng minor burns sa kamay at irritation sa mata bagama’t ang mga ito ay minor injuries lamang.
Ilan sa mga paputok na ginamit ng mga biktima ay ang Kwitis, Pikolo, at 5 Star.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay King Alabon, Nurse II ng Health and Education Promotion Unit ng IPHO, sinabi niya na ang naturang datos ay bahagyang mas mataas kumpara noong nakaraang taon na nakapagtala lamang ng 8 kaso sa kaparehong panahon.
Aniya, bago pa man magsimula ang kabi-kabilaang selebrasyon ngayong Disyembre ay puspusan na ang kanilang kampanya upang makaiwas sa mga firecracker related injuries.
Bago pa man ang holiday season ay activated na rin ang emergency express lanes sa mga hospitals at City Health Offices sa Isabela upang ma-cater ang mga biktima ng paputok.
Nakikipagtulungan din ang IPHO sa iba pang mga sektor upang mas maging malawak ang kanilang response kung sakali mang may maitalang mga hindi kanais-nais na insidente sa pagsalubong ng bagong taon.
Samantala, maliban sa firecracker-related injuries ay mahigpit din nilang binabantayan ang mga sakit na madalas maitala tuwing holiday season.







