--Ads--

CAUAYAN CITY  Hinarang ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Santiago City ang transaksIyon ng 11 na kababaihan dahil sa paggamit ng hinihinalang pekeng RT-PCR test result.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 1, dinala sa kanilang himpilan ng mga kawani ng City Health Office (CHO) at SCPO Traffic Group Unit ang mga kababaihan dahil sa reklamo ng DFA kaugnay ng umano’y illegal na dokumentong ipinakita nila sa pagkuha ng pasaporte.

Nasa labing-apat na babae  ang sangkot kabilang ang tsuper na  napag-alaman na nagtungo sila sa  Isabela para  maiproseso ang kanilang pasaporte patungong  Saudi Arabia bilang Overseas Filipino Worker (OFW).

Batay sa nakuhang RT-PCR test result ng mga awtoridad, hinihinalang peke dahil sa pagkakapareho ng QR Code, specimen collected, date result at kahinala-hinala rin ang electronic signature.

--Ads--

Sinasabing ang mga resulta ay nagmula sa Ermita Molecular Diagnostic Laboratory sa Ermita, Manila.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa nasabing Laboratoryo.

Halos kalahati ng mga  kababaihan ay nagmula  sa lalawigan ng Leyte  habang ang iba ay mula sa iba pang panig ng Metro Manila at Isabela .

Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuha ang panig ng mga pinaghihinalaan subalit tumanggi sila na magbigay ng pahayag.

Patuloy na inaalam kung peke ang mga nakuhang dokumento sa pamamagitan ng pagtugon at kumpirmasyon ng pagamutan.

Inaalam na rin ang recruiter ng mga kababaihan.

Dahil sa ilang konsiderasyon ay pinag-aaralan pa ang pagpapabalik na lamang sa kanila  sa kanilang pinanggalingang lugar.