--Ads--

CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang 11 katao na lulan ng pick- up matapos makasalpukan ang isang pampasaherong bus sa bahagi ng Brgy. Ayaga, Abulug, Cagayan.

Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-amang sina Rodolfo Time Sr. at Rodolfo Time Jr., ang magkapatid na sina Evelyn Time at Christina Jane Time, kasama ang kanilang mga kaanak na sina Mary Jane Time, Lovely Time, Crishia Shane Time, Kimberly Mangupag-Time, Rodelyn Time, at Angel Time.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan galing  sa isang lamay sa Flora, Apayao ang pick up lulan ang 13 katao at pauwi sana sa Brgy. Dana-Ili, Allacapan habang ang Florida Bus naman ay binabaybay ang pambansang lansangan mula Baguio City patungong Sta. Ana, Cagayan.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat nang palabas umano ang nasabing pick-up truck sa provincial road ng Brgy. Ayaga ay dito sinalpok ng paparating na bus.

--Ads--

Dahil sa lakas ng impak, dumiretso ang pick up sa isang talipapa habang sumadsad naman ang bus sa pader ng isang establisyimento sa lugar.

Bukod sa driver ng pick up at isang dalagitang pasahero nito ay wala ng iba pang nakaligtas matapos ang banggaan. Nabatid pa na nabalian naman ng paa ang driver ng bus at nagtamo ng gasgas sa kanilang katawan ang ilang pasaherong sakay nito ngunit nasa maayos nang kalagayan.

Samantala,mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property ang driver ng bus.