
CAUAYAN CITY – Isinailalim sa hard lockdown ang 11 purok ng apat na barangay sa Cabagan, Isabela dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Batay sa inilabas na Executive Order No. 7 series of 2021 na pirmado ni Mayor Christopher Mamauag, kabilang sa isinailalim sa hard lockdown ang Purok 6 ng Brgy. Catabayungan, Purok 2, 4, 7 at 5 ng Brgy. Casibarag Sur, Purok 1, 2, 3 at 7 ng Brgy. Casibarag Norte at Purok 3 at 4 ng Brgy Anao.
Sinimulan ng mga awtoridad ang pagbarikada sa mga entrance at exit point ng mga nabanggit na lugar noong February 21 na magtatagal ng labing apat na araw upang malimitahan ang paggalaw ng mga residente.
Pamamaraan ito ng LGU Cabagan para mapigilan ang pagkalat ng naturang virus sa iba pang mga lugar ng nabanggit na bayan.
Sa ngayon ay mayroon nang 59 na aktibong kaso ng COVID-19 ang Cabagan, Isabela.










