--Ads--

Kinumpirma ni DILG Sec. Jonvic Remulla na kasalukuyang stranded sa Dubai ang 11 vice mayor at isang mayor mula sa Bulacan matapos bumiyahe patungong United Arab Emirates noong Pebrero 25.

Ayon kay Remulla, ang biyahe ng mga opisyal ay isinagawa sa kanilang personal na kapasidad at hindi kaugnay ng anumang opisyal na gawain ng pamahalaan.

Aniya, malinaw sa kanilang travel authority application na personal ang layunin ng pag-alis ng bansa, kaya ito ay pinayagan ng kagawaran. Ipinaliwanag din niya na pinahihintulutan ang ganitong mga biyahe basta’t walang gagamiting pondo ng gobyerno at nasusunod ang itinakdang proseso sa pagkuha ng travel clearance.

Sinabi ng kalihim na kasalukuyan pang bineberipika ng kanyang tanggapan kung may kaukulang travel authority rin ang mayor na kasama sa biyahe, bilang bahagi ng kanilang standard review procedures para sa mga lokal na opisyal na lumalabas ng bansa.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang natatanggap na pormal na kahilingan ng tulong ang Department of the Interior and Local Government mula sa mga naturang opisyal.

Gayunpaman, nangyayari ang insidente sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, partikular kaugnay ng sigalot na kinasasangkutan ng United States, Israel, at Iran, na nagdudulot ng pangamba sa seguridad at biyahe sa rehiyon.

Patuloy namang mino-monitor ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong nasa apektadong lugar.