--Ads--

Umabot sa halos labing isang libong pamilya sa Isabela ang lumikas kasabay ng pananalasa ng bagyong Uwan kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Exiquiel Quilang, Information Officer ng PDRRMC Isabela sinabi niya na batay sa kanilang datos mula kagabi, umaabot sa 505 evacuation centers ang kasalukuyang tinutuluyan ng humigit-kumulang 10,496 pamilya o 31,413 katao.

Aniya naging maagap naman ang Provincial Health Office upang tiyaking nasa maayos na kondisyon sa kalusugan ang mga lumikas na residente kung saan inihiwalay ang mga may sakit at mga matatanda.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Kiko Dy sinabi niya na naging maganda ang resulta ng mga isinagawa nilang preemptive evacuation.

--Ads--

Aniya hinintay na lamang ng mga lumikas na residente sa mga evacuation centers ang paglandfall ng bagyo at naging ligtas na ang kanilang sitwasyon.

Patuloy namang nakaantabay ang mga response teams na idedeploy kung kinakailangan lalo na sa mga binabahang lugar.

Tiniyak naman niya na tuluy-tuloy ang pagrerepack sa mga family food packs na ipapamahagi sa mga residenteng naapektuhan.

May mga hygiene kits, damit at kumot ding ibinibigay sa mga lumikas upang matiyak na sila ay komportable sa evacuation center.