CAUAYAN CITY – Nasagip ng mga otoridad ang 112 na manggagawa kabilang ang 3 menor de edad na umano’y biktima ng human trafficking at nagtatrabaho sa mga tubuhan sa Cauayan City na kinontrata ng bio-ethanol plant na nakahimpil sa San Mariano, Isabela.
Tinugunan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ang natanggap na reklamo noong ikalawang linggo ng Pebrero 2017 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Saranggani Province na may mga residente roon na hindi umano makatao ang pagpapatrabaho sa kanila ng isang kompanya sa Isabela.
Kasama ng DOLE Region 2 sa pagtungo kahapon sa Alicaocao, Cauayan City upang sagipin ang mga manggagawa ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Isabela Police Provincial Office (IPPO) Intelligence Branch, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela at Cauayan City Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni ni Fiscal Rodolfo Manoloto ng Regional Prosecutor’s Office na ang mga sugarcane cutters o sakada ay galing sa Mindanao.
Nakipag-ugnayan ang DOLE at DSWD Region 2 sa mga otoridad at nagsagawa ng pagsisiyasat ang pulisya para makita ang kalagayan ng mga manggagawa.
Nagsagawa aniya ang mga otoridad ng pagsagip sa mga manggagawa ng tubo at nakumpirma nilang 109 ang adult at 3 ang menor de edad sa mga manggagawa.
Inaalam na nila kung sino ang nag-recruit sa mga manggagawa dahil maaaring masampahan ng human trafficking at paglabag sa Anti- child abuse Law.
Bago pauuwiin ang mga manggagawa sa kanilang mga lugar sa Mindanao ay dinala muna sila kagabi sakay ng 2 bus ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Evacuation Center building sa compound ng provincial capitol sa City of Ilagan.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng manggagawa na si Luis, 35 anyos, residente ng Glan, Saranggani na nahikayat siya dahil sa ipinangakong sasahod sila ng 3,000 hanggang 4,000 kada linggo depende sa kanilang lakas ng pagtatrabaho sa tubuhan ngunit hindi naman ito nasunod.
Ipinangako rin sa kanila ang pagkakaloob ng mga safety gear tulad ng kapote at bota, hindi maaantala ang kanilang sahod at may check up kada Sabado sa loob ng isang linggo ngunit hindi naman nasusunod.
Nagbibigay din sila ng mga gamot subalit hindi naman sapat dahil marami ang sabay-sabay na nagkakasakit.
Nasunod naman aniya ang sahod na 280 pesos kada tonelada.
Ayon naman sa 17 anyos na itinago sa pangalang Jesrael mula General Santos City, mula nang magtrabaho siya sa tubuhan ay hindi pa siya nakapagpadala ng pera sa kanyang pamilya sa halip ay siya pa ang pinadadalhan nila.
Sinabi naman ni alyas Totie, isa ring menor de edad na taga-Valle Hermoso, Negros Oriental na nasa 300 lamang ang kanilang natatanggap kada linggo taliwas sa pangako na 1,000 kada linggo.
Sila rin ang bumibili ng kanilang pagkain kaya hindi sapat ang kanilang kinikita.