Nahanap na ngayong araw, ika-27 ng Hulyo ang katawan ng 12-anyos na lalaki na napaulat na nalunod sa ilog na nasasakupan ng Luzon, Cabatuan, Isabela.
Matatandaan na nitong Biyernes, ika-25 ng Hulyo ay nagkayayaan ang walong bata kabilang ang biktimang si alyas “JM” na maligo sa ilog sa naturang lugar.
Tumalon umano si JM sa ilog subalit hindi na ito nakaahon pa dahil hindi ito marunong lumangoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronald Curampez, tiyuhin ng biktima, sinabi niya na nang dahil sa takot ng mga batang kasama nitong naligo ay hindi agad nila ipinaalam sa magulang ng biktima ang pangyayari, bagkus ay inuwi na lamang nila ang damit at tsinelas nito sa bahay ng kaniyang Tita at sinabi na kasalukuyan pang naliligo sa ilog si JM.
Makalipas ang ilang sandali ay hindi pa rin umuuwi ang bata at dito na siya nagsimulang hanapin ng kaniyang mga kaanak. Tinawagan na aniya nila ang ilan sa kanilang mga kaanak na pwedeng uwian ng bata subalit walang makapagturo kung nasaan ito.
Kinabukasan na lamang umano nagkaroon ng lakas ng loob ang mga bata na sabihin ang tunay na sinapit ni JM kaya noong Sabado lamang din nagsimula ang search and retrieval operations.
Makalipas ang ilang oras na paghahanap ay natagpuan na rin kaninang 9:30 ng umaga ang katawan ng biktima sa irrigation canal na nasasakupan ng Purok Bagong Sikat, Luzon, Cabatuan, Isabela.






