--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakapagtala ng 12 kaso ng firecracker related incident ang lalawigan ng Nueva Vizcaya sa nagdaang holiday season.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na ang nabanggit na datos ay batay sa kanilang monitoring simula ika-21 ng Disyembre 2024 hanggang ika-02 ng Enero 2025.

Ilan umano sa mga biktima ay hindi mismo gumamit ng paputok at nabiktima lamang matapos lumipad patungo sa kanilang direksyon ang kwitis habang mayroon ding nabiktima ng boga.

Bago umano magbagong taon ay nagkaroon sila ng destruction o pagsira para sa mga surrendered at confiscated illegal firecracker.

--Ads--

Samantala, patuloy naman nilang tinututukan ang daloy ng trapiko sa kanilang nasasakupan dahil inaasahang marami ang luluwas patungong maynila matapos ang holiday season.

Aniya, simula ika-6 ng Enero ay sisimulan na muli ang pagsasaayos sa mga road construction matapos itong ipatigil pansamantala upang bigyang daan ang bugso ng mga sasakyang papasok at lalabas ng Region 2.