Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi sa sunog sa isang apartment block sa Wang Fuk Court, sa hilagang bahagi ng Tai Po district, Hong Kong kaninang hapon, Myerkules, ayon sa pamahalaan ng Hong Kong.
Ang sunog ay unang iniulat bilang No. 3 alarm sa hapon, ngunit itinaas sa No. 5 alarm, ang pinakamataas na lebel ng alarma, pagsapit ng gabi. Kabilang sa mga nasawi ang walong babae at tatlong lalaki, habang 16 pang tao ang nasugatan.
Isa ring 37 taong gulang na bumbero ang nasawi matapos madamay habang inaapula ang sunog.
Iniulat din na mayroong 13 katao na na-trap sa nasusunog na complex, kabilang ang walong matatanda at dalawang sanggol. Mahigit sa 100 alagang hayop ang naiwan rin sa loob ng mga gusali.
Nagpaalala ang Hong Kong Fire Department sa mga residente sa paligid na manatili sa loob ng bahay na nakasarado ang pinto at bintana, huwag mag-panic, at iwasang lumapit sa apektadong lugar.
Ang apartment complex na nasunog ay may 2,000 units sa walong gusali, na tinitirhan ng humigit-kumulang 4,000 residente. Naitayo ang complex noong 1983 at sakop ng subsidised home ownership scheme ng pamahalaan.











