CAUAYAN CITY – Libu-libong pamilya mula sa 12 na bayan at lunsod sa Isabela ang lumikas sa mga evacuation center dahil sa malawakang pagbaha sa Isabela dulot ng mahigit dalawang araw na tuluy-tuloy na pag-ulan.
Pinakamalaki ang bilang ng mga inilikas na residente sa City of Ilagan dahil 44 na barangay ang apektado ng pagbaha kaya isinailalim na sa state of calamity ang nasabing lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Jose Marie Diaz na ito na ang pinaka-malawak na pagbaha sa kanilang lunsod dahil maging ang national highway sa Allinguigan ay inabot ng tubig baha kaya ilang oras na isinara sa mga sasakyan na papunta sa Tuguegarao City.
Umabot sa 7, 963 o 24, 190 ang apektadong pamilya sa mga binahang lugar sa Lunsod ng Ilagan habang umaabot sa isang libong pamilya sa iba’t ibang bayan sa Isabela.
Umabot naman sa 18 overflow bridges sa buong Isabela ang hindi na maadanan dahil pag-apaw ng tubig sa Cagayan River, Pinacanauan at iba pang ilog.
Nag-ikot naman si Gov. Rodito Albano sa ibat ibang bayan sa Isabela para tingnan ang kalagayan ng mga mamamayan. Ipinaubaya niya sa mga mayor ang pagsuspindi ng klase at pasok sa opisina sa kanilang mga lugar.
Samantala, inihayag ni Provincial Director PCol. Mariano Rodriguez ng PNP Isabela na inatasan niya ang mga hepe ng pulisya na tumulong sa paglilikas sa mga residente sa mga binabahang lugar gayundin na bantayan ang mga overflow bridges at mga daan na nalubog sa tubig-baha.















